3.20.2007

Stainless Longganisa ni Bob Ong

Ang ikalimang libro ni Bob Ong.

Tungkol nga ba saan ang librong Stainless Longganisa? yan ang itinanong ko sa aking sarili nung nakita ko ang libro sa bookstore. Hindi na ako nagatubili at binuksan agad ang nakasealed na libro. Nagbasa ng kaunti, tumawa, nagbasa ulit, nasiyahan, at sa hindi katagalan ibinili ko na.

Ano nga ba ang nilalaman ng nasabing libro?

Ibinahagi ni Bob Ong sa kanyang libro na may sari-sariling istilo ang bawat manunulat. Kahit hindi sundan ang pormal na paraan sa pagsusulat, basta ang mahalaga ay naiparating mo ng malinaw ang mensahe sa mga mambabasa. Ipinaliwanag rin nya dito kung paano at sino ang mga humikayat sa kanya para ipagpatuloy ang pagsusulat, ang kanyang pananaw sa literatura, ang mga pinagdaanan na paghihirap noong isinulat ang kanyang unang librong "ABNKKBSNPLAko?!".

Sa librong ito ni Bob Ong, makikita ninyo ang parte ng pagkatao niya sa pamamaraan kung paano siya magsulat. Ang mga salita nito ang hindi malalalim at hindi pormal ang mga wika na ginamit. Para sa kanya, ang pagsusulat ay isang kakaibang trabaho pero, iba naman ang naidudulot nitong saya at karangalan sa sarili.

Ang masasabi ko lang sa librong "Stainless Longganisa" :
Maganda. Sapul. Sulit. Nakakatuwa. Totoo.

Kaya ang mahalaga, huwag mawalan ng pag-asa sa gustong abutin sa buhay. Magsumikap ka. Magsulat ka kung gusto mo, dahil may buhay sa pagsusulat.

No comments: